Source: Humans of Pinas
“1978. Sampung taong gulang ako nang utusan ako ng Tatay kong ihatid ang ilang sulat sa piniling mga kapitbahay.
Maikli ang mensahe: ang naalala ko ay ang salitang LABAN at tagubiling may noise barrage sa isang takdang petsa, ika-8 ng gabi. Magdala raw ng mga pang-ingay at lumabas ng bahay.
Sa takdang araw, inaya na kami ng Tatay, dala nila ng Nanay at kuya ko ang mga kawali, kaldero at sandok namin. Malakas na tumatawag ang Tatay ko sa mga kapitbahay na lumabas na at sa isang iglap ay masayang magkakasama kami sa kahabaan ng Old Sta. Mesa St. at tinatambol ang mga kawali at malalaking kaldero.

Lumabas din ang mga taga-Teresa St. at nagsunog ng gulong habang sumisigaw ang lahat ng “laban, laban” at nakataas ang mga kamay sa letrang L.
Iyon ay sandali. Ngunit matagal na sandali ng katapangan at pagkakaisa na mariing kumintal sa aking pagkatao.
Dalawang taon matapos iyon ay mawawalay ang aming ama sa amin dahil kabilang sya sa diaspora ng mga Pilipino patungong Gitnang Silangan.
Hindi maalwan ang pamumuhay sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos. Lumilipad ang implasyon mula 1971 (21.4%), nuong 1974 (34.2%), at nuong 1984 ay nasa 50.3%.
Hindi na-subsidyuhan ng pamahalaan ang malalaking input na hinihingi ng Masagana 99. Maraming magsasaka ang itinulak sa kalunsuran, subalit ang tunay na halaga ng sahod ay bumaba nang 24% sa gitna ng 70s. Sa panahong ito pa lamang ay 40% na ang nasa ilalim ng linya ng kahirapan.
Ipinagbawal ang welga, ang pananggol ng mga manggagawa sa sariling kapakanan.
Wala ang Tatay nang tumanggap ako ng medalya sa pagtatapos ng elementarya nuong 1980. Nasa ikalawang taon naman sa UP ang kuya ko at nag-uuwi ng Philippine Collegian na lalong nagmulat sa aking mga mata sa pulitika.
Hindi nagtagal ay kasama na ako ng mga ate ko papunta sa Liwasang Bonifacio at duon na kami nagkikita ng kuya ko. Naka-high school uniform ako sa edad na 13 nang magsimulang magsalita sa itaas ng bubong ng underpass sa may Plaza Miranda tungkol sa kalagayan ng pampublikong edukasyon.

1981 at first year sa hayskul nang may debate kami sa English class hinggil sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Nasa Pilipinas at nasa pagitan ng kontrata ang Tatay.
Ipinaliwanag nya sa akin ang aksidenteng nukleyar sa Three Mile Island nuong 1979, ang fault line sa Bataan, ang kinita nina Marcos at kaibigan nitong si Herminio Disini mula sa Westinghouse at ang utang panlabas na ginastos dito. Kaya buo ang kumpiyansa ko nang sumalang sa debate.
Parang lastikong binabanat na ang agwat ng mayaman sa mahirap. Higit na naging marahas sa mga rali ang mga pulis. Kasama ang kuya ko sa nasaktan sa tulay ng Arroceros nuong Hulyo ng 1981. Sya at ang mga estudyante ng UP ay nagprotesta laban sa pagtaas ng matrikula.
Nang makapagtapos ng hayskul nuong 1984 ay nagsimula na ako ng unang taon sa UP. Subalit hinihila ako ng diwa ko pabalik sa kalsada. Tumulong ako sa pag-oorganisa ng mga kabataan sa komunidad, sa maralitang lungsod.
Duon, nagkikita kami uli ng kuya ko.Naging halal na pinuno ako sa pambansang antas, kung kaya’t nakakasama ang mga kabataang nagtatrabaho sa bukid, pangisdaan, at impormal na sektor. Binigyang pansin namin ang kahirapan ng kabataan sa mga aping uri.
Sa mga panahong ito nakauwi ang Tatay at tumutungo sila ng Nanay sa Liwasang Bonifacio, kasama ang unang apo, sa papalaking mga rally, hanggang sa EDSA nuong 1986.

Ang aming mga magulang, nangamba man at nagalit sa pagpili namin ng pag-oorganisa kaysa pormal na edukasyon nuon, ay nagpunla ng binhi sa aming mapagpalayang diwa. Ang mga punlang ito ay yumayabong sa puso ng aming mga anak ngayon.
Lahat kami, nuon at ngayon, nakikita man sa telebisyon o hindi, ay may malaking iniambag sa pagwawakas ng diktadura. Ang nakikita sa midya at hindi ay nag-aambag sa pagbabanyuhay ng diwa ng bayang pilit ginapi, subalit nagtatagumpay.”