Source: Humans of Pinas
“Nasa grade school pa lang ako nung ipinataw ang Batas Militar noong 1972. Ang tanda ko noon ay mahigpit na curfew, ginugupitan ang mga nahuhuling mahahaba ang buhok, at ang walang-patid na broadcast ng slogan: “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.”
Sa aking pagtanda, nagsimula ang patuloy kong pagtatanong patungkol sa kahirapan at pang-aapi, at sa tulong ng mga progresibong kurso at guro, at sa napadalas kong pagbabad–“exposure”/“immersion”–sa mga dukha, ay lumawak ang aking pag-unawa sa mga sakit ng lipunan.
Oo, naging aktibista ako, at nakilahok sa mga sari-saring isyu ng mga mambubukid, ng manggagawa, at ng maralitang tagalungsod–mga pagunahing biktima ng diktadura noon–at pagtutol sa mabangis na Batas Militar.
Nag-organisa din at lumahok sa maraming sama-samang mobilisasyong humarap sa maraming mararahas na dispersal: pagbatuta, teargas, pagbomba ng firetruck ng tubig-imburnal, at pati pamamaril. (Andun ako sa rally sa Welcome nung nabaril ang kasalukuyang tsanselor ng UP Diliman.)

Subalit tuloy-tuloy pa rin ang taumbayan sa mga protesta. Isang Welgang Bayan noong 1985 ay pinangunahan ng mga jeepney drayber upang tutulan ang pagtaas ng presyo ng gasolina at bilihin, at patuloy na paninikil sa karapatan ng tao.
Nagtipon ang iba’t-ibang mga sektor sa mga convergence point sa buong Kamaynilaan, kasama ang Cubao, kung saan ako nakilahok.
Nagkaraoon ng programa kung saan nagsalita ang mga tsuper, at kinatawan ng mga sektor, kasama na ang mga kilalang direktor na Lino Brocka (+) at Behn Cervantes (+). Mga 300 katao kaming payapang nagpipiket, habang nakikiusap sa mga bumibiyaheng pailan-ilang jeep na magtigil-pasada muna, para sa bayan.

Biglang pinalibutan kami ng mga 100 pulis (bukod pa sa mga di-nakauniporme). Noong tinapos na ang programa, sinigawan nila ang mga taong mag-disperse; subalit wala pang 10 minuto ang nagdaan, biglang lumusob ang nakahanay na pulis at bigla kaming pinagpapalo at pinagdadampot.
Nakwelyuhan ako ng isang ahenteng naka-plainclothes, binatukan, kinaladkad at tinulak sa loob ng isang Harabas. Dahil takot na baka saan kami dalhin (o iwala), mariin kong sinabihan ang mga madreng lumapit sa sasakyan na samahan kami’t huwag iiwan, sabay bigay ng pangalan.
Doon nagsimula ang kalbaryo naming mga 37 kataong hinuli (kasama ni Lino at Behn). Una’y dinalang Camp Karingal, tapos isang gabi sa QC Jail, bago dinalang Bicutan kung saan kinukulong ang mga “subersibo”.
Mapalad pa ako–dahil sa mga kilala kong “klasmeyt”, tuloy-tuloy na pagreport ng media, at malawakang pagkondena (pati international) ng aming pagkulong–di kami ginalaw o tinortyur nang pisikal, na di normal sa mga karaniwang detinido.

Sa aming kaso lalong lumiinaw ang reyalidad ng Batas Militar sa ilalim ni Marcos: pagkitil sa karapatang magpahayag at magtipon. Marahas na panggugulo ng mga lehitimong rali. Ilegal na pagdampot at pagkulong.
Pekeng mga paratang ng kapulisan. Harapang pagsisinungaling ng mga huwad na testigo sa korte. Maniobrang legal at huwad na paratang (sedisyon, subersyon, illegal assembly) upang di kami makapagpiyansa at makalaya.
Pagpataw ng Presidential Detention Action–kapangyarihan ng diktador na magkulong ng kahit sino, kahit walang paratang.
Tila malaki rin ang nagawa ng aming kaso upang umigting ang paninindigan, pagtutol, at pagbabalikwas ng sambayanan.
Walang tigil ang suporta sa amin: serbisyong panlegal; tulong pinansyal at di-materyal; pagbabantay at pagsisiwalat ng kaso; sari-saring liham, petisyon, at pahayag na umabot sa iba’t-ibang sulok ng mundo (pre-internet); patuloy na mobilisasyon kasama ang napakalaking rali sa Cubao noong Pebrero 1985 para sa aming paglaya.
Nakalaya kami 14 Pebrero 1985–pagkatapos iatras ng rehimen ang PDA, sa takot na baka matalo sila sa sinampa naming kaso sa Korte Suprema.
Pinatupad ang order ng aming RTC Judge (Miriam Defensor Santiago!) na makapagpiyansa kaming 37. Dinala kaming sa St Joseph’s College at doon kami pinakawalan sa aming mga abugado, pamilya, kasama, at mga minamahal.
Naging mahalagang yugto ito sa pagragasa ng kilusan laban sa diktadura, at laong paghubad sa pagka-lehitimo ng rehimen. Napilitan tuloy si Marcos magpatawag ng “Snap Elections” noong Pebrero 1986, na sinubukan muling nakawin ng diktadura.
Ito’y naging mitsa ng pagbuhos ng milyun-milyon sa EDSA at sa iba’t-ibang lugar sa kapuluan, at patalsikin ang diktadurya sa mapayapang rebolusyon, gamit ang Lakas ng Sambayanan.
EPILOGO
Noong 2015, kasama ako sa mahigit 75,000 biktima ng Batas Militar na nagsampa ng “claim” (batay sa aking ilegal na pagkulong) sa Human Rights Victims Claims Board (likha ng RA 10368, na nagtalaga ng proseso upang magtala, magsuri at maggawad ng pinansiyal na ayuda sa mga biktima, na galing sa nasamsam na ilegal na yaman ng mga Marcos). Isa ako naaprubahang gawaran ng reparasyon noong 2018.”