Source: Rappler.com
By: Dave M. Veridiano
Eksaktong 31 taon ngayong araw, katanghaliang-tapat ng Sabado, nagsimulang turuan ng sambayanang Pilipino ang buong mundo kung paano ipaglaban ang demokrasiya’t kalayaan, sa isang matiwasay at walang pagbubo ng dugong pamamaraan – ito ang binansagang “1986 People Power Revolution” – ang apat na araw na pakikipagmatigasan ng mga Pilipino upang mapatalsik ang diktatoryang rehimeng Marcos, na halos dalawang dekada ring nagtampisaw sa karangyaan at kapangyarihan, habang naka-pasang krus naman ang mas nakararaming mga mamamayan.
Police reporter ako noon sa muling pagbubukas ng pahayagang Manila Times, na ang haba ng panahong nakasara ito, ay halos kasing edad na ng Martial Law na umiiral sa buong bansa – isa kasi ang pahayagang ito sa mga ipinasarang media establishment matapos na mag deklara ng Martial Law ang dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Hindi na ito muling binuksan ng pamilya Roces na siyang may-ari nito, hanggang sa maipit sa isang interview si Pangulong Marcos at mapilitang ipagsigawan sa buong mundo, na nakahanda na siyang tumawag muli ng eleksyon para patunayang hindi siya isang diktador. Dito na muling binuhay ang diyaryong Manila Times at isa ako sa apat na unang mga naging police reporter nito. Maging ang lingguhang magasing Inquirer ay biglang naging broadsheet sa pasiyang ito ni Marcos.
Ang totoo, kahit na police reporter na ako noon at labas-masok sa mga presinto at kampo ng militar at pulis sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan, ni katiting na hinagap na magaganap ang People Power sa EDSA ay wala akong naramdaman – ‘di naman marahil sa manhid ang aking pakiramdam kundi talaga lang sobrang confidential ang planong pagpapabagsak sa rehimeng Marcos ng grupo ng mga militar na pinamumunuan ng noon ay isang military colonel na si Gregorio “Gringo” Honasan, na napakalapit naman sa noo’y Secretary ng National Defense (SND) na si Juan Ponce Enrile. (READ: Key players in the 1986 People Power Revolution)
Nabuking ang planong paglusob sa palasyo, at ang dalawang opisyal ng grupo ng militar na kung tawagin ay Reform the Armed Forces Movement (RAM), na mga kasama sa gagawing pag-atake sa Malacañang, sina Major Saulito Aromin at Major Edgardo Doromal, ay naaresto at agad “ipinakanta” ang lahat nilang nalalaman sa planong paglusob sa loob ng Palasyo – kaya’t bago pa lang makapananghali ng Pebrero 22, 1986, ay kumalat na sa mga taga-media ang gagawing pag-aresto kay Secretary Enrile, dahil siya ang kilalang “godfather” ng grupong RAM. Kapansin-pansin ang mga armadong sundalo sa paligid ng gusali ng Department of National Defense (DND) na unti-unti na ring napapalibutan ng mga taga-media na naghihintay sa napabalitang presscon na magaganap sa mga oras na iyon.
Gadget
‘Di pa uso ang mga gadget noon tulad ng mga smart cellular phone at laptop ngayon. Walang pang text, email, chat at mga digital na litrato, kaya’t kanya-kanyang paraan sa pabilisan nang pagkuha at pagbato ng impormasyon kaming mga taga-media sa aming mga opisina at sa mga sideline na kung tawagin ay “abugadi” at “tabo” na mga foreign news agency. Sa bagay na ito, ay hindi ako magpapahuli, lalo pa’t gadget din lamang ang pag-uusapan. Siyempre mayroon ako – isang Radio Frequency Scanner at Tone Beeper na sobrang gamit na gamit ko sa aking mga coverage.
Nakatulong sa akin para agad kong malaman ko kung ano ang mga nagaganap sa kapaligiran ay ang aking AOR scanner na kasing laki lang ng mga cellular phone ngayon pero may 100 memory channel. Dito ko na momonitor ang mga “alert move” ng mga operatiba ng pulis at militar, RAM man o “loyalist” (Ang tawag sa mga rebelde noon ay RAM, “loyalist” naman ang sa mga sundalo ng pamahalaan) kaya’t kadalasan ay nakatatakbo agad ako sa lugar kung saan may inaasahang mangyayari, bago pa man ito malaman ng ibang taga-media.
Sa pamamagitan naman ng aking Tone Beeper ay madali akong ma-locate ng aking mga editor sa opisina kung ako ay kailangang utusan at patakbuhin sa isang lugar na may nalaman silang nangyayari. Wala kang mensaheng maririnig o mababasa sa Tone Beeper, maliban sa kapag nag-beep na ito ay senyales na dapat kang maghanap ng landline na telepono para tumawag sa iyong opisina(long beep) o sa bahay (short beep na paulit-ulit), para malaman mo kung ano ang bilin. Kalimitan itong gamit ng mga doctor para agad sila makontak sa ospital lalo pa’t may pasyente silang nasa emergency ang kalagayan. Ang beeper ko ay pamana ng isang kaibigang doktor na nangibang bansa na upang doon magtrabaho dahil nga sa hindi na raw magandang kalagayan pang ekonomiya sa bansa.
Napakalaking tulong ng dalawang gadget na ito sa aking coverage sa loob ng apat na araw na ang sentro ng mga nangyayari ay sa loob at labas ng Camp Crame at Camp Aguinaldo, kung saan ako ay paikut-ikot lamang, dala ang isang telang may nakabaligtad na bandilang Pilipino, ang gamit kong “counter-sign” sa paglabas-masok sa mga kampo. Ipinamigay ito sa Camp Crame sa mga nag-boluntaryong tutulong sa mga rebeldeng sundalo o RAM sa loob ng opisina ng PC –INP Public Information Office (PIO) na pinamumunuan ni Colonel Luis San Andres at nang kanyang senior staff na si Captain Cris Maralit. Kung marunong kang kumalabit ng gatilyo noon ay agad-agad ka rin pahahawakin ng isang Baby Armalite para makasama ka na sa mga magtatanggol sa kampo na noon ay napabalitang lulusubin na ng mga Marines.
Breakaway
Habang papadilim na noong Pebrero 22, 1986, unti-unting napupuno ng mga taga-media, local at foreign, ang loob at paligid ng magkabilang kampo sa pagitan ng EDSA at pagpatak ng ganap na 6:30 ng gabi – magkakasabay na isinara na ang mga gates sa Camp Crame at Camp Aguinaldo at isang press conference ang isinasagawa sa loob ng gusali ng DND at dito na pormal na inanunsiyo nina Secretary Enrile at General Fidel V. Ramos ang kanilang pag-BREAKAWAY sa administrasyon ni Pangulong Marcos.
Hindi na ako pumasok sa loob ng DND, hindi ako nakatalagang i-cover ito. May mga kasamahan na akong taga Manila Times ang nasa loob na ng DND kaya’t ang sitwasyon na lamang sa buong paligid ang aking minomonitor. May bitbit naman akong transistor radio at nakatutok sa broadcast ng Radio Veritas na tuluy-tuloy na nagre-report sa lahat nang ginagawa at sinasabi ng mga nag-breakaway na sundalo at mga opisyal, na nagkulong na sa loob ng Camp Aguinaldo.
Habang palalim na ang gabi, patuloy ang pagbabalita ng Radio Veritas sa mga nangyayari sa loob ng kampo at bandang 9 pm ay nanawagan si Archbishop Jaime Cardinal Sin sa mga mamamayan na nakikinig sa kanilang radio na magpunta sa EDSA at suportahan sina Enrile at Ramos sa ginawa nilang pagtalikod sa pamahalaang Marcos. Nanawagan pa si Cardinal Sin na magdala ng mga pagkain para sa mga sundalo sa loob at labas ng dalawang kampo sa magkabilang panig ng EDSA.
Naging mainit at napakasigla naman ang naging pagtugon ng mga mamamayan sa panawagan ni Cardinal Sin sa radyo. Unti-unting nadaratingan sa EDSA ang pami-pamilyang mga tao na unti-unting umuukopa sa kahabaan ng EDSA, mula sa lugar ng Cubao sa Quezon City hanggang sa may tulay ng Guadalupe Nuevo sa Makati, animo papunta sa piknik sa dami ng kani-kaniyang bitbit na mga pagkain na iniaalok at ibinabahagi nung mga maraming dala, sa grupo naman ng mga walang bitbit. Masaya ang mga tao. Nagkakantahan ang pami-pamilya ng ilang makabayang awitin, gaya ng “Ang Bayan Ko” at “Pilipinas Kong Mahal.”
-
Fidel V. Ramos together with Juan Ponce Enrile with RAM soldiers led by Gringo Honasan during the Edsa People Power. February 22, 1986
Literal na masasabi kong bumaha noon ng inumin, mga soft drinks, mga juice na naka-tetra pack at nasa lata, at mga de latang sardinas na pampalaman sa suput-supot na mga tinapay at pandesal. Narinig ko pa nga ang komento ng ilang sundalo sa may gate ng Crame at Aguinaldo, na sa dami raw ng dumating na mga pagkain, kahit tumagal pa ng isang buwan ang giyerang kanilang papasukin ay di sila magugutom. Nakisali na rin kasi sa pagde-deliver ng mga pagkain ang ilang malalaking restaurant, food chain at mga hamburger store – sa pagbabahagi ng kanilang mga food products sa mga sundalo sa loob ng mga kampo at mga undercover agents na naglipana sa paligid ng Kampo Crame at Aguinaldo at kahabaan ng EDSA na mabilis nang napupuno ng mga nagdadatingang mga tao.
Marines
Tahimik at pakiramdaman halos ang mga tao sa buong magdamag, suwerte lang kung makanakaw ka ng konting tulog – maya-maya, madaling-araw na ng Linggo, Pebrero 23, 1986 – sumabog ang balitang nilusob at pinabagsak daw ng mga “loyalist” na Marines ang transmitter ng Radio Veritas sa Malolos, Bulacan kaya bigla itong nawala sa ere at natigil sa pagre-report. Dito na nabalot ng tensyon ang mga tao sa magkabilang kampo at mga nagbi-vigil sa gitna ng EDSA, sa harapan ng dalawang kampo…baka raw kasi ang susunod na pag-atake ng mga Marines ay sa EDSA na.
Ngunit ‘di naman nagtagal ay biglang naghiyawan ang mga tao – muling bumalik sa ere ang Radio Veritas gamit ang kanilang standby generator at transmitter. Ang inirereport nito ay ang intel-information hinggil sa posibleng pag-atake raw ng mga Marines sa Camp Crame at Aguinaldo sa araw na iyon. Dito na ipinasya nina General Ramos at Secretary Enrile na magsama na lamang sa Camp Crame matapos nilang makumpirma ang intelligence report, na naghahanda na raw ang mga Marines at mga taga-Air Force(PAF) sa gagawing paglusob sa kanila. Dito naganap yung madalas ninyong naririnig na “Salubungan sa EDSA” na kasamang palagi sa pag-alaala sa pagdiriwang ng 1986 EDSA People Power Revolution. Ngunit kahit na magkasama na sa Camp Crame sina Secretary Enrile at General Ramos makapananghali, nanatiling mataas at patuloy pang tumataas ang tensyon sa buong paligid ng mga oras na iyon.