Source: Humans of Pinas

“Sa edad na 23, ikinulong ako ng gubyernong Marcos bilang isang bilanggong pulitikal. Inaresto ako noong Marso 7, 1983 sa Baguio habang nagpapamigay ng polyetong bumabatikos sa marahas na pagbuwag ng mga pulis sa rali ng mga istudyanteng Igorot.

Pinakawalan ako nang pansamantala ngunit inaresto muli ng mga myembro ng Philippine Constabulary pagkalipas ng dalawang araw. Walang warrant of arrest na dala ang mga PC at nakasibilyan lang ang mga umaresto.

Ikinulong ako sa Camp Dangwa sa Benguet nang walang anumang kaso laban sa akin. Sa kulungan, dumanas ako ng matinding pisikal na tortyur.

Binugbog ako at pinagtatadyakan ng mga sundalo. Inilagay ako sa solitary confinement sa isang seldang walang kubeta. Doon na rin ako umiihi at dumudumi. Napilitan akong inumin ang sarili kong ihi dahil wala ring tubig sa selda.

Minsan, ipinatawag ako sa opisina ng isang tenyente ng PC. Pinagsquat ako nang buong araw at tuwing uupo ako dahil sa pagod, inuumpog ang ulo ko sa pader.

Nagsampa sa korte ang nanay ko ng Writ of Habeas Corpus. Gayunpaman, tinumbasan ito ng paglalabas ng Presidential Commitment Order na lagda mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos.

Kinasuhan na ako ng subersyon, pagkakaroon ng subersibong mga dokumento, at paggamit ng alyas para gumawa ng krimen. Pinalaya rin ako at ang anim pang bilanggong pulitikal noong Disyembre 7, 1983 matapos ang ilang araw naming hunger strike.

Noong Abril 30, 1985, lumabas ang desisyon ng korte. Pinawalang-sala ako sa lahat ng kaso laban sa akin. Pero paano na ang halos isang taon kong nawala dahil sa aking pagkakakulong? Walang naging pananagutan ang gubyernong Marcos.”