A speech by Raissa Robles delivered at a forum sponsored by the University of the Philippines Third World Studies Center, in 2014
Translated into Filipino by Cha Coronel Datu
Original Source of speech: http://raissarobles.com/2015/10/20/pigilan-ang-pamilyang-marcos-sa-pagbubura-ng-kanilang-krimen-sa-ating-kasaysayan
Original English version: https://raissarobles.com/2014/02/09/stopping-the-marcoses-from-erasing-their-crimes-from-history/
Photo inspiration for artwork: tripod.com

Magandang umaga. Bago ako magsimula, meron muna akong isang kuwento sa inyo.

Dito sa building na ito, una kong nakilala si Imee Marcos. Siya ang gumanap noon na pangunahing aktor sa tagalog na bersyon ng isang dulang may pamagat sa Ingles na “Animal Farm”. Si Professor Jonas Sebastian ang direktor. At ako naman ang Stage Manager.

​Naaalala ko na kinailangang baguhin ni Jonas ang ilang linyang bibigkasin ni Imee sa dulang ito kasi may pagkakahawig ang buod nito sa mga tunay na nangyayari sa ating bansa noong mga panahong iyon. Tungkol kasi ang “Animal Farm” sa isang rebolusyong nadiskaril.

Nagkataon naman noon, yun din ang nangyayari sa tinatawag ni Marcos na “Revolution from the Center”. Unti-unti na ring nadidiskaril noon.
Hanggang sa napatalsik na nga ng taong bayan si Marcos. Unti-unti, yung mga pumalit naman na gobyerno ay nagmistulang iba’t ibang bersyon na rin ng “Animal Farm”.

Ngayon ang pamilyang Marcos ay nakabalik na, at kung magsikilos ang mga ito ay para bang walang nangyaring “People Power Revolution” sa EDSA noong taong 1986.

Dumarami rin ang mga Pilipinong umaasang makakaupo sa pwesto si Bongbong Marcos sa Malakanyang. Marami sa mga Pilipinong ito ay ipinanganak pagkatapos na ng mga pangyayari sa EDSA.

Susubukan kong isalaysay ang mga kadahilanan kung paanong si Ferdinand Marcos – na isang brutal, mamamatay-tao at ganid na diktador – ay tinitingala na ngayon bilang bayani ng ilang mga nakababatang Pilipino, makalipas lamang ang dalawamput-limang taon ng kanyang pagkamatay at dalawamput walong taon naman pagkatapos ng kanyang diktadura.

Susubukan ko ring ilahad kung papaanong ang kanyang asawang si Imelda at kanilang tatlong anak ay nakabalik na ngayon sa hanay ng mga nakakariwasa at nakakaangat sa ating lipunan. Bukod diyan ay hinahangaan pa nga sila ngayon.

Isa itong mahalagang aral sa mga kurakot : Magnakaw nang kaunti, sa kalaboso ang bagsak mo. Mas mabuti na ang magnakaw ng sukdulan katulad ng mga Marcos.

Tahasan kong ginagamit ang salitang “pagnanakaw” dahil ang hukuman mismo ng bansang Switzerland ang nagsabi, sa isang makasaysayang paghahatol noong 2003, na ang perang tinago ng mga Marcos sa mga bangko sa kanilang bansa ay galing sa kriminal na pamamaraan. Mahigit na isang bilyong dolyar na kabilang sa nakaw ng mga Marcos ang ipinabalik ng hukuman ng Switzerland sa Pilipinas.

Kung ganon naman pala, bakit wala ni isa man sa mga Marcos ay na-kalaboso? Bakit tatlo sa kanila ang ngayon ay nakaupo sa posisyon at may hawak nang kapangyarihan?

Meron akong nakikitang tatlong kadahilanan.

Una – Ang henerasyon na nagpatalsik sa mag-asawang diktadura ay nag-akala na dahil sa kanilang pagiging sobrang brutal at gahaman sa pagpapayaman at pagtamasa ng kapangyarihan, hindi na kailangan pang ipaalala pa sa mga tao ang tungkol dito.

Nakalimutan ng henerasyong nag-People Power na isa-dokumento o itala ang mga kalabisan ng mga Marcos para sa kaalaman ng mga sumunod na henerasyon.

Meron din namang naisulat si Nick Joaquin na librong pinamagatang “Quarter of the Tiger Moon” at nariyan din yung “coffee table book” tungkol sa People Power.

Ngunit hanggang ngayon , ang librong “History of the Filipino People” na isinulat ng mananalaysay mula sa UP na si Teodoro Agoncillo at siyang ginagamit ng maraming paaralan sa pagtuturo ng kasaysayan (History) ay hindi pa rin nababago, hindi pa rin naidagdag ang mga kapanahunang namayani si Marcos at pati na ang maraming taon na sumunod pa pagkatapos nito

Dahil dito, ang mga sumunod na henerasyon ay walang kaalam-alam kung bakit si Malakas at Maganda – ang Makapangyarihan at ang Maganda – na ginawang alamat ng mag-asawang Marcos tungkol sa kanilang sarili – ay si Marahas at si Mapurot sa tunay na buhay.

Sa Waray, ibig sabihin ng “mapurot” ay pangit at hindi kanais-nais.

Marami kasi sa mga intelektuwal ay naki-kuntsaba sa mga Marcos. Naging propagandista sila at sumulat ng kung anu-anong mga lathalaing pinapagawa ni Marcos noon. Kaya naman nahihiya silang ipaalam sa lahat ang kanilang ginawa sa panahon ng Martial Law.

Yung building kung saan naroon ang UP Asian Center dati ang naging sentro noon ng mga tagapag-isip at tagapag- saliksik o think-tank ng mga Marcos. Ang tawag dito dati ay ang Philippine Center for Advanced Studies o PCAS. Ang kanilang pinuno ay si Col. Joe Almonte. Kahit anong pag-aaral ang iutos ni Marcos, ginawa nila ito.

Alam ko ito dahil bilang isang bagong gradweyt sa kolehiyo noon, nag-trabaho ako doon bilang tagapag-sulat ng mga “script” sa radyo na kasama sa seryeng pinamagatang Kasaysayan ng Lahing Pilipino. Umalis na ako bago naging paksa ng seryeng ito si Marcos.

Sa kawalan ng malawakang ulat sa ating Kasaysayan na tumatalakay sa rehimen ni Marcos, nagawa ng pamilyang Marcos na ibenta sa mga bagong henerasyong botante ang mga sumusunod na kasinungalingan :

1. Na ang Martial Law ay isang mabuti at makataong diktadura
2. Na walang naging mga biktima ng pang-aabuso sa mga karapatang pangtao noong panahon na iyon. Ang sabi pa nga ni Bongbong, yun daw mga nagsasabing biktima sila ay naghahangad lamang ng kabayarang salapi.
3. Na ang ating ekonomiya ay naging maunlad sa panahon ni Marcos.
4. Na si Marcos ang pinakadakilang Presidente dahil nakapagpatayo siya ng mga gusaling tulad ng Cultural Center, Folk Arts Theater, Film Center, Heart Center, Kidney Center, Lung Center, at San Juanico Bridge. Makikita ninyo ang mga ganitong pagpapahayag sa “social media” tulad ng Facebook at Youtube.

Isa-isa kong tatalakayin ang mga ito.

Tinawag ni Marcos ang kanyang rehimen na isang mabuting diktadura (benevolent dictatorship), o martial law daw na nakangiti. Ang katotohanan – takot ang namayani sa buong bansa at ang sinasabing ngiti ay pangiwi.

Sa paaralang Katoliko na pinasukan ko, isang direktiba galing sa mga madre ang agad ipinaabot sa aming mga estudyante. Sa aming pananghalian o “lunchtime”, bawal na daw ang kumain ng tatlo-tatlo o mahigit pa. Dahil ang ganitong paggu-grupo ay itinuturing na labag sa batas o “illegal assembly” sa Martial Law.

Ano ba naman kaya ang nalalaman ng mga kababaihang teen-ager tungkol sa pagiging subersibo? Ni hindi ko nga alam ang ibig sabihin nito noon.

Ngunit ganyan na lamang ang ginawang pagsupil ni Marcos sa taong-bayan.

Ang mga militar at kapulisan ay maaaring basta na lamang dumampot ng sinuman mula sa mga kalye o kaya ay mula mismo sa kanilang mga bahay.

At kailangan noong maging maingat ang bawat isa sa pagbibiro tungkol sa mga Marcos at sa Bagong Lipunan.

Noon na lamang mapatalsik ang mga Marcos tuluyang napagtanto ng mga Pilipino ang tunay na kagimbal-gimbal na larawan ng pang-aabusong naganap sa panahon ng Bagong Lipunan. Hindi babababa sa sampung libo ang bilang ng mga pinatay o kaya ay pinahirapan at tinortyur.

Heto ang ilang pagbibilang na magpapakita kung gaano kasamâ ang sitwasyon ng pang-aabuso sa mga karapatang pangtao at kung gaaano rin karami ang bilang ng mga nagtangkang tumutol sa Bagong Lipunan – habang namamayani bilang isang diktador si Marcos at habang ang kanyang asawang si Imelda na Ministro ng Pagpapabahay (Human Settlements) ay nagpapasasa sa pagsiya-shopping sa ibang bansa, may tinatayang pitong daang biktima ang nadadagdag kada buwan sa bilang ng mga biktima ng pang-aabuso.

Ibig sabihin sa bawat araw na siya’y nasa kapangyarihan, may dalawamput tatlong bagong biktima araw-araw. O sa loob ng kanyang labing-apat na taong pagiging diktador, may isang Pilipinong pinatay o tinortyur sa bawat isang oras.

Pati ang magandang gubernador ng Ilocos Norte na si Imee Marcos ay may dugo rin sa kaniyang mga kamay. Isang estudyante mula sa Mapua, si Archimedes Trajano, ang minsang nagtanong sa kanya – dapat bang ang anak ng Presidente ang mamuno sa Kabataang Barangay?

Ilang araw pagkatapos ng kanyang pagtatanong na ito kay Imee, natagpuan na lamang si Trajanong patay na. Sabi ng mga imbestigador, napatay daw siya sa rambulan ng mga fraternity.

Naghabla ang ina ni Trajano sa Amerika laban kay Imee Marcos. Nanalo ang kanyang ina sa kaso.

Bagamat hindi ako naging aktibista, alam ko ang mga nangyayaring pang-aaresto dahil ang aking amang propesor sa UP Law ay may ginampanang papel sa pagpapalaya sa ilan sa mga naaresto. Isa rito si Gerry Barican. Hindi ako sigurado kung ang isa pa ay si Herminio Sonny Coloma. At ang isa sa kanila, sa palagay ko, ay siguradong magpapa-iling sa aking yumaong ama sa kabilang buhay. Ang pangalan niya ay Gary Olivar – yung propagandista ni Presidente Gloria Arroyo.

Ang kapansin-pansin dito ay lahat silang tatlo ay naging presidential spokesman o tagapag-salita ng pangulo.

Nakukuha ko nang tumawa ngayon tungkol dito. Pero noong panahong iyon, ang mga ginawang pagtulong ng aking ama ay nagbunga ng hindi maganda para sa aming pamilya. Bigla na lang sinabi ng BIR (Bureau of Internal Revenue) na hindi sila makapaniwala na kami ay mahirap. Kung bumisita lang sana sila sa bahay namin, naliwanagan sana sila sa kanilang sinsasabing hindi maipaliwanag na kahirapan ng aming pamilya.

Paulit-ulit na sinisingil kami ng BIR na magbayad ng mas mataas na buwis. Lumapit ang aking ina sa aming kapitbahay na empleyado sa BIR para humingi ng tulong. Sabi sa kanya, maaayos na daw yung “assessment” para sa taông iyon kung meron kaming maiaabot na padulas para sa ilang taga-loob ng BIR.

Tuwing nangyayari ito noon, kinukuha ng nanay ko sa aming budget para sa pagkain ang pambayad. Naaalala ko pa na kung minsan nakakabili lamang kami ng pagkain dahil lang nakasingil ang nanay ko sa isang customer na nagpapatahi sa kanya.

Kaya nga kahit hindi ako aktibista, alam ko kung ano ang nagiging resulta kapag hindi ka sumunod o umayon kay Marcos.

At hindi lang yan, hinawakan ni Marcos at ng kapamilya ni Imelda na mga Romualdez ang pamamalakad sa media – sa tv, sa radio at sa radio.

Hindi ipinapakita ng media noon ang tunay na mga nangyayari sa digmaan sa Mindanao – ang digmaan kung saan sina Nur Misuari, Hashim Salamat at Murad Ebrahim ay nagkakaisa at sama-sama pang nakikipaglaban sa ilalim ng Moro National Liberation Front.

Tinatayang animnapung libo hanggang walumpung libong sibilyan at mga rebelde ang namatay sa Mindanao noong 1972 hanggang 1976. Mahigit sa isang milyong residente naman ang nagsilikas.

Binago ni Marcos ang mapa ng bahaging iyon ng Pilipinas, tinanggal ang Palawan sa Mindanao at pinaghati-hati ang natira upang pamunuan ng mga kumander ng kanyang hukbong sandatahan.

Ang mga ginawa ni Marcos sa Mindanao at ang kawalan ng kaalaman ng mga taga-Luzon tungkol dito ang mga naging pugon upang magkaroon ng kakulangan ng pagtitiwala sa pagitan ng mga taga-Mindanao at taga-Luzon. Nakapagdagdag rin ito sa kakulangan ng pag-unawa hinggil sa layunin ng mga Muslim sa pagnanais ng awtonomiya.

Pag-usapan naman natin ngayon ang mga nagawa o “achievements” ni Marcos noong Martial Law. Totoong ipinatayo nga niya ang mga building at pati na ang tulay na nabanggit ko sa umpisa sa loob ng dalawampung taon niyang nasa kapangyarihan – mula December 30, 1965 hanggang February 25, 1986.

Pero magkano? At magkano rin ang kanyang komisyon? Yung kanyangtongpats?

Noong maging Presidente si Marcos noong 1965, ang utang o foreign debt ng ating bansa ay kulang-kulang sa isang bilyong dolyares (US$1 B) lamang. Nang umalis siya at ang kanyang pamilya, lumobo na ang ating utang at umabot ng dalawamput-pitong bilyong dolyares (US$27B), halos dalawamput-anim na bilyon ang nadagdag (US$26 B). Ibig sabihin mahigit sa isang bilyong dolyar ang nadagdag bawat isang taon na nakaupo si Marcos.

Sa estimasyon ng “Presidential Commission on Good Government” na binuo noong 1986, ang halagang ninakaw ng mga Marcos ay umabot sa sampung bilyong dolyar (US$10 B). Ang halaga ay kuwarenta porsiyento (40%) ng halagang inutang ng kanyang rehimen.

Yung mga nagmamahal kay Marcos, hindi nila binabanggit ang mga pagkakautang na iniwan niya. Hindi rin nila binabanggit ang isa pang naging bunga ng pamamahala ni Marcos sa ating bansa – ang napakalaking pagbagsak sa halaga ng ating piso.

Nang manalo sa eleksyon si Marcos noong 1965 taglay ang pangakong muling dadakilain ang ating bansa, ang isang dolyar ay katumbas ng tatlong piso at nobenta sentimos (P3.90) lamang.

Noong idineklara niya ang Martial Law para daw bumuo ng isang Bagong Lipunan, bumagsak na sa anim na piso at pitumput-pitong sentimo (P6.77) ang katumbas ng isang dolyar. Noong napatay si Benigno Ninoy Aquino noong 1983, sumubsob sa halagang labing-isang piso (P11) ang katumbas ng bawat dolyar. Nang lumayas na ang mga Marcos noong 1986, dalawampung piso (P20) na ang katumbas nito.

Yan ang mga tutoong nagawa ni Marcos – mahigit dalawamput-limang bilyong dolyar (US$25 billion) na naidagdag sa ating pagkakautang, ang pagbagsak ng piso mula sa P3.90 na umabot sa P20 katumbas ng isang dolyar, at posibleng dalawampung bilyong dolyar (US$20 billion) na suhol.

Bukod pa dito, nariyan din ang napakaraming mga mahihirap na katulad ng inilalarawan ng Smokey Mountain. Nariyan din ang napakaraming Pilipinong ini-export o ipinadala sa Middle East upang maging mga mumurahing trabahador sa ibat-ibang bansa.

Pag-isipan ninyo ito: Ayon sa paghahatol ng dating Chief Justice ng Korte Suprema na si Renato Corona noong 2003 sa Kasong Sibil 0141 o yung “civil forfeiture case” laban sa mga Marcos, ang kanilang “net worth” noong umalis sila ay $US957,487.75 – o di hihigit sa isang milyong dolyar lamang.

Paano ngayon maipapaliwanag yung halagang US$356 M na nakalagay sa kanilang mga “account” sa bangko sa Switzerland na hindi na pinagalaw ng pamahalaan ng Switzerland mula noong 1986 at bagkus ay ipinabalik sa Pilipinas pagkatapos.

Idagdag pa natin ito – paano ipapaliwanag ni Imelda Marcos ang tatlong koleksyon niya ng mga alahas na nagkakahalagang apat na milyong dolyar (US$4 M). Isa sa mga koleksiyon na ito ay ipinabalik na sa gobyerno ng Pilipinas. Pero kailan lamang ay lumapit pa si Bongbong sa Korte Suprema at umapela na baligtaran ang desisyon ng korte dahil hindi naman daw talaga isinama ang koleksyong ito ng ating gobyerno sa kanilang kaso (forfeiture suit sa Korte Suprema).

Mayroon pa siyang isang sinabi na makatawag pansin – sabi ni Senador Bongbong Marcos ya kailangang humingi ng patawad si Presidente Benigno dahil sa palpak na pag-rescue sa mga taga-Hongkong na naging hostage doon sa insidente sa tourist bus noong 2010. Sabi niya hirap raw siyang intindihin yung pagtangging humingi ng patawad.
Si Bongbong Marcos at ang kaniyang pamilya kahit kailanman ay hindi humingi ng patawad sa kanilang mga biktima ng pang-aabuso ng karapatang pantao. Para sa kanila, walang mga naging biktimang ganito.

Dahil sa mga ganitong pagkilos at pananalita, maaari nating maisip, bakit ba talaga gusto ni Bongbong maging Presidente. Dahil kaya para mabasura ang mga kaso tungkol sa kanilang pamilya at mapigilan ang pagkumpiska sa kanilang kinulimbat na yaman?

Nagpahiwatig na ang gobyerno na isusubasta ang mga alahas.

Isa yang malaking pagkakamali. Ang mga alahas ay pag-aari ng mga Pilipino. Ang naging kabayaran ng mga ito ay ang dugo ng mga inabuso ng rehimeng Marcos at ang kanilang mga bigong pangako ng ating magandang kinabukasan. Ang mga ito ay dapat maging bahagi ng ating paggunita sa napakalaking nakawan at katiwalian na naganap sa panahon ng diktadura, upang hindi na ito mangyari pang muli.

Alam ba ninyo na sinubukan kong kuhanan ng retrato ang mga alahas na ito noon sa PCGG at ang sabi sa akin ay hindi pa daw pwede dahil ito ay nasasa-ilalim pa ng paglilitis. Pero alam ba ninyo, itong mga alahas na ito ay nalathala na sa isang “coffee table book” na may pamagat na “Thoroughly Imeldific”.

May pagkakamali sa kung papaano nai-ukit sa ispan ng maraming Pilipino ang alaala ng mga alahas na ito. Inilalarawan si Imelda na isang tagapagtaguyod o “patroness” ng sining at mapagmahal sa “katotohanan, kabutihan, at kagandahan”. Hindi na sumagi sa isip na ang tunay na dapat maala-ala sa mga alahas na ito ay ang kaniyang pagiging “shopaholic”, na walang patumanggang ginamit niya ang mga buwis na ibinayad ng taong bayan para sa kanyang pansariling kasiyahan. Ang perang nilaspag niya ay nagamit na lang sana upang tulungan ang maraming Pilipinong naghihikahos sa buhay.

Para sa mga tulad ni Irene Vinluan na tagahanga ng mga Marcos, ang mga ganitong pagpapasikat ng kanilang katiwalian ay balewala lamang. Ito ang isinulat niya sa Facebook page ng anak ni Marcos na si Imee :

“I love the Marcoses! During the time of his Presidency, despite of his corruption, at the same time, he also did good for the country, the streets was cleaner, not much street crimes, the Philippines was one of the richest in Asia.”

(Mahal na mahal ko ang mga Marcos. Noong panahon na siya ang pangulo, kahit siya ay korap, kasabay nito, may mabuti pa rin siyang ginawa sa ating bayan, malinis ang mga kalye, konti lang ang krimen, ang Pilipinas ay isa sa pinakamayaman sa Asia.)

Palitan natin ang pangalang Marcos ng Hitler at gamitin ang Germany sa halip ng Pilipinas, at basahin ng ganito :
Mahal na mahal ko si Hitler. Noong panahon na siya ang Chancellor, kahit siya ay korap, kasabay nito, may mabuti pa rin siyang ginawa sa ating bayan, malinis ang mga kalye, konti lang ang krimen, ang Germany ay isa sa pinakamayaman sa Europe.

Hindi kanyo makatwiran?

Mali. Si Marcos mismo ang nagsabi na isa sa mga pinag-aralan niya bilang paghahanda sa pagdeklara ng Martial Law ay kung paano nakuha ni Hitler ang kanyang kapangyarihan sa Germany.

Siyanga pala, hindi tutoo na walang Marcos na nahatulan ng husgado ng pagiging kriminal. Si Imelda Marcos ay nahatulang nagkasala ng krimeng korapsyon noong September 24, 1993 at nasentensiyahan ng dalawamput-apat na taon sa kulungan. Ngunit sa di maipaliwanag na dahilan – o kaya ayon sa iba ay maliwanag naman na dahilan – ang Solicitor General noon ni Presidente Fidel Ramos ay ibinasura yung kaso at sinabihan ang Korte Suprema na mali sila sa pag-akusa kay Imelda.

Ang pangalawang dahilan kung bakit halos nabaon na sa limot ang mga kasamaang nagawa ng mga Marcos ay dahil sinamantala nila at ng kanilang mga taga-suporta ang ilang kaugaliang Pilipino upang maipakalat ang kanilang bersiyon ng mga pangyayari.

Heto ang mga ugaling tinutukoy ko :Ang una ay ang paggalang sa mga nakatatanda.

Ginamit ito ni Marcos at nagpatawag ng “Apô” , na ibig sabihin sa Ilokano ay nakatatandaang lalaki na may awtoridad.

At si Imelda Marcos naman, kahit gaano pa katawa-tawa kung magsalita at kahit pa naman napakalaki ng kanyang idinagdag sa ating mga pagkakautang dahil sa kanyang bisyong pagsiya-shopping , binbigyan pa rin siya ng respeto dahil matanda na siya.

Isa sa mga malinaw kong ala-ala noong araw na lumisan ang mga Marcos ay ang aking pagbisita sa Malakanyang. Bilang isang reporter tungkol sa pulitika para sa diyaryong Business Day, nakapasok ako sa palasyo at pinahintulutang lumigid kahit saang parte nito.

Si Bea Zobel na asawa ni Jaime Zobel at ang kanyang kaibigan na si Mercy Tuazon ay nasa loob rin at tumutulong sa pag-imbentaryo ng mga naiwang gamit ng mga Marcos.

Nakita mo na ba ang Rustan’s? , tanong ng isa sa kanila sa akin. Sabi ko hindi.

Dinala nila ko sa isang silid sa likod ng kuwarto ni Imelda. Lahat ng sapatos niya nandoon. At ang napakaraming salansan ng kanyang mga panty at bra. Pero ang isang nakatawag ng aking pansin ay yung nasa loob ng kaniyang banyo. Isa itong MALAKING botelya ng isang mamahaling pabango na halos sinlaki ko at halos puno pa ang laman. Palagay ko hindi kayang ubusin ang laman noon kung mag-spray ka lang araw-araw, mauubos lang ito kung ipapaligo ang laman nito.

Naala ko rin na bawat kuwarto ay may mga bungkos ng mga nalantang bulaklak. Malaking halaga daw ang gastusin noon ni Imelda sa mga bulaklak na imported, ayon sa pag-uulat ng PCGG.

Nang mamatay si Ferdinand Marcos noong 1989, isa pang ugaling Pilipino ang napakinabangan ng kaniyang pamilya : Huwag kang magsalita ng masama tungkol sa isang yumao na.

Ang gawing ito ay sumasalungat sa tamang pagsusulat ng ating kasaysaysayan. Sa pagkakaalam ko, iilan na lamang ang kumukuha ng kursong History sa UP. Hindi ito nakakatuwa. Ito ay nakakalungkot. Ang isang bansa ay hindi makakasulong kung hindi ito matututo sa mga aral ng kasaysayan.

Saludo ako sa mga taong patuloy na sumusulat tungkol sa kasaysayan kahit hindi ito pagkakakitaan ng maraming pera.

Ang pangatlong kaugaliang Pilipinong ibinabato ng mga Marcos sa mga tumutuligsa sa kanila ay ito – Patawarin mo ang iyong mga kaaway.

Ang isang taong hindi nagpapatawad sa kanyang mga kaaway ay napapagsabihang mapaghiganti. At kung siya ay pulitiko, sinasabing ginagamit niya ang pulitika sa paghihigant1.

Naalala ko noong presidente si Corazon Aquino, ang sabi ni Manoling Morato na Chairman noon ng Board of Censors, dapat raw tigilan na ang pagsasalita ng hindi maganda tungkol kay Marcos upang sa gayon ay mamayani na ang pagkakaisa ng lahat.

Inaani natin ngayon ang resulta ng payong ito, hanggang ngayon, ipinagpipilitan ng mga anak ni Marcos at ng kanyang asawa na walang ginawang masama si Marcos, walang naging pang-aabuso sa mga karapatang pantao, at siya ang pinakadakilang Presidente ng Pilinas.

Ang pang-apat na kaugaliang Pilipinong babanggitin ko ang pinakamalaking banta sa ating kinabukasan – Huwag isisi ang mga kasalanan ng ama sa kanyang mga anak.

Pati na ang aktibista at dating Congressman na si Satur Ocampo, ipinagtanggol ang kataka-takang pakikipag-alyansa ng Bayan Muna kay Bongbong Marcos noong 2010 sa pamamagitan ng paggamit ng argumentong ito. Sabi ni Ocampo hindi raw sila mangongolekta sa anak.

Ngunit yung anak ay matagal nang kasabwat ng ama at ina. Dati ay sinubukan pa nga niyang gamitin ang isang taong pinag-utusang mag-withdraw ng itinago nilang pera sa Switzerland. At ang anak rin na ito ang siya ngayong legal na tagapamahala ng mga naiwang ari-arian ng ama. Bago pa man nito, itong anak rin na ito ay isa sa mga nakapangalang benepisyaryo ng US$356M na kinulimbat ng ama at inilagak sa bangko sa Switzerland.

Itong mga lihim na bank account sa Switzerland ay ginamitan nila ng mga alyas o ibang pangalan. Pero pumirma naman ang mag-asawang Marcos ng mga hiwalay na dokumentong nagsasabing pag-aari nila ang mga nasabing bank account. Pumirma rin sila ng mga dokumentong nagsasabi kung sino ang mga magiging benepisyaryo o tatanggap ng pera kung sila ay mamatay.

Noong Pebrero, 2011, pinalad akong mapatabi kay Bongbong Marcos sa isang pananghaliang ginanap sabay ng press conference ng Foreign Correspondents Association of the Philippines, nakapagbigay ako sa kanya ng ilang katanungan.

Bilang sagot sa aking mga tanong, sinabi niya na ipagpapatuloy niya ang mga hakbang upang magkaroon ng kasunduan o compromise settlement sa pagitan nila at ng gobyerno tungkol sa mga kaso ng mga Marcos at mga ari-ariang hinahabol sa kanila ng pamahalaan. Ngunit hindi niya kinumpirma na kasama siya sa mga benepisyaryo ng mga perang nasa bangko sa Switzerland.

Ito ang kanyang tinuran ng tinanong ko kung pwede niyang ikumpirma na isa siya sa mga nakapangalang benepisyaryo ng milyung-milyong dolyares na nakalagak sa bangko sa Switzerland:

“I cannot confirm because I haven’t seen or read them. We – I don’t know. I cannot – I cannot say that I know. Definitely the Swiss money were there. Or are there now. It’s for us – again this constant – that people are saying – more and more participating in that –”

(Hindi ko maaaring makumpirma kasi hindi ko nakita o nabasa ito. Kami – ako ay walang alam. Hindi ko maaari – hindi ko masasabing alam ko. Siguradong nandoon ang pera sa Switzerland noon. O nandoon nga ngayon. Ito ay para sa amin – muli, ito ay paulit-ulit – na sinasabi ng mga tao – parami nang parami ang nakikisali diyan -)

Kaawa-awang bata, hindi daw niya nabasa. Samantalang ako, nabasa ko mismo ang kopya ng mga dokumentong naiwan ng kanilang ama sa Malakanyang nang nagmamadali silang umalis noong Pebrero 1986.

Hindi naman nakapagtatataka na sinusubukan ng mga anak ng diktador na ibalik sa larangan ng pulitika ang pangalan ng kanilang ama.

Halimbawa, maraming mga okasyong ginaganap sa Ilocos Norte sa pangunguna ni Gubetnador Imee Marcos na ang pakay ay para bigyang papuri ang kanilang amang si Ferdinand Marcos. Noong nakaraang taon ginanap ang mga ito:
1. “President Marcos Cup” para sa mga mahilig sa pamamaril
2. Isang rock concert na pinangalanang “Da Real Makoy Concert 2”
3. Isang sayaw na tinawag ng “Marcos Fiesta 2013 Flash Mob” tungkol sa buhay ni Marcos
4. At ang labanan sa pagdedebate, “The First Ferdinand Marcos Sirib Intercollegiate Debates 2013

Yung birthday ni Marcos, September 11, tinatawag nilang Marcos Day.

Nagpa-contest si Imee Marcos ng “Little Macoy at Little Imelda Sing-alike”, meron din “Marcos Quiz” , at may “Marcos Heritage Trail Free Tour”.

Noong 2012, nagpalathala ang pamilyang Marcos ng isang libro tungkol sa sining at kultura noong panahong presidente ang kanilang ama.

At siyempre, nandiyan din yung patuloy na pag- display ng waxed figure o pigura ni Marcos pati na ang isang museo sa kanyang ala-ala.

Ang pakay ng lahat ng ito ay upang mapagtibay ang bersyon ng mga Marcos ng kanilang papel sa ating kasaysayan. Noong wala pang Facebook at Twitter, ang mga ito ay nagagawa lamang nila sa Ilocos. Pero ngayon, hindi na.

Ginagamit na rin ng mga Marcos ang Facebook at YouTube para palabasing ang kanilang ama ang pinakadakilang presidente ng Pilipinas.

Paano nagbago ang pananaw tungkol sa mga Marcos?

Ang Social Weather Station (SWS) ay nagsisiyasat tungkol sa sentimyento ng mga Pilipino tungkol kay Marcos. Noong 1998, labindalawang taon matapos siyang mapa-alis , nagsagawa sila ng isang survey at ikinumpara ito sa mga nakaraang survey.
Ito ang kanilang mga napag-alaman :
1. Tungkol sa panukalang “si Marcos ay magnanakaw ng kayamanan ng bansa”, ang opinyon ng publiko ay nagbago mula sa hindi kaaya-aya (unfavorable) noong 1986 ay naging “neutral” o walang kinikilingan noong 1995 at 1998.
2. Tungkol sa panukalang siya ay “isang brutal at mapang-aping presidente”, nagbago rin ang sentimyento ng mga publiko mula sa hating opinyon noong 1986 ay naging kaaya-aya na noong 1995 at 1998.
3. Tungkol sa panukalang si Imelda Marcos ay talagang may kasalanan o walang kasalanan sa akusasyon ng pangangwalta o graft, kalahati ng mga sumagot sa survey ng SWS ay naniniwalang siya ay talagang may kasalanan at labing-apat na porsiyento naman ang nagsabing wala siyang kasalanan.

Hindi ba’t isang kaugaliang Pilipino na nabanggit na ay hindi dapat magsalita ng hindi maganda tungkol sa yumao na?

Noong 1998, si Dr. Mahar Mangahas ng SWS ay nagsulat ng tungkol sa kapansin-pansing pagbabago sa opinyon ng publiko tungkol kay Ferdinand Marcos.

Nagbigay siya ng dalawang dahilan.

Sinabi niya na sa isang banda, ang paglambot ng opinyon tungkol kay Marcos ay may kinalaman sa demograpiya. Ang mga nakatatanda ay sumasa-kabilang buhay na at ang mga kabataan ang pumapalit sa lugar nila.

Idinagdag pa niya na sa kanyang pananaw, dahil rin ito kasi sa pagiging buhay pa ni Marcos noong 1986 samantalang noong 1995 ay namatay na siya. Nabanggit rin niya na ang mga resulta ng survey ay nagpapahiwatig hindi ng karakter ni Marcos kungdi ng mga Pilipino. Hindi kasi marami sa atin ang gugustuhing maghinanakit pa sa isang taong patay na, kahit pa sa isang gaya ni Marcos.

Ngunit paano naman ang pagtataguyod ng katotohanan ng kasaysayan? At paniniguro na ang katotohanan ay mananaig sa bawat henerasyon?

Pagdating ng 2011, nakabawi na ng malaki si Marcos sa opinyon ng mga tao. Tinanong ng SWS ang ilang Pilipino kung sino sa tingin nila ang unang tatlong bayaning Pilipino. Nanguna sa listahan sina Jose Rizal, Bonifacio, at Ninoy Aquino.

At si Marcos ay napasama sa listahan – nabanggit siya ng 5.1 % ng sumagot sa survey. Maaring sabihing boto lamang naman ito ng mga tapat sa kanyang Ilokano. Ngunit bakit mas nanguna pa siya kaysa kina Ramon Magsaysay at Lapu-lapu?

Ang pangatlong dahilan kung bakit nagbago ang pananaw tungkol kay Marcos at nakabalik muli ang kanyang pamilya ay ang uri ng mga namuno sa ating bayan mula noong 1992 – o anim na taon pag-alis ni Marcos. Mula nang manungkulan si Presidente Ramos, nagsimula na ang mga pagpaplano upang magkaroon ng pagkakasundo o “compromise settlement” sa pagitan ng mga Marcos at ng gobyerno.

Pagsapit ng 1993, nagkaron ng ganitong pagkakasundo : pitumput-limang porsiyento (75%) ng dinambong ni Marcos ang mapupunta sa gobyerno samantalang dalawamput-limang porsiyento (25 %) ay mananatili sa pamilyang Marcos, na walang pataw man lang na buwis. Lahat ng kaso laban sa kanila ay iuurong na rin. Sinong makakapagsabi kung magkano nga talaga ang halagang nadambong?

Isipin na lang niyo kung hindi nag-petisyon ang yumaong abugadong si Atty, Frank Chavez sa Korte Suprema para pigilan ang kasunduang ito, siguradong bilyong-bilyong piso ang matatamasa ng mga Marcos nang walang kahirap-hirap.

Si Presidente Joseph Estrada na pumalit kay Ramos ay nagtangkang itulak pa rin ang kasunduang ito. Mabuti na lamang binasura ng Korte Suprema ito at ang anupamang pag-uusap sa hinaharap tungkol dito.

Ang sumulat ng desisyong ito na si Associate Justice Artemio Panganiban ay nagsabi ng ganito:

“The waiver of all claims against the Marcoses would be a virtual warrant for all public officials to amass public funds illegally, since there is an option to compromise their liabilities in exchange for only a portion of their ill-gotten wealth.”

(Ang pagtalikod sa pag-iilit sa mga nalikom na yaman ni Marcos ay magiging parang isang tahasang pagpapahintulot sa lahat ng opisyal ng gobyerno na magpayaman gamit ang pera ng bayan tutal mayroon naman silang pagkakataong makipagkasundo sa huli kapalit lamang ng maliit na bahagi ng kanilang ninakaw.)

Yan ang mensahe ni Marcos sa lahat ng pulitiko, sa tutoo lang. Kung ikaw ay magnanakaw, magnakaw ka ng malaki.
Ano ang maari nating gawing mga Pilipino?

Ang aking asawa na isang manunulat sa diyaryo (journalist) ay paulit-ulit sa pagsabi sa akin na ang Berlin ay may isang sentro para sa pagtatala o pagdodokumento ng mga krimen ng mga Nazi. Kailangan natin ng katulad nito para sa mga ginawa ni Marcos, lalong lalo na ang talaan ng mga tinorture, ang mga ulat ng Amnesty International tungkol sa panahong ito, at mga direktang pahayag ng mga tao mula sa iba’t- ibang panig, kasama na ang mga Marcos.

May tinipon ang aking asawang listahan ng mga sanggunian (sources) sa kanyang website na hotmanila.ph. Ngunit hindi na niya ito nahaharap. Ang Hot Manila ang siyang pinakaunang pilipinong satirical site, nagsimula labing-apat na taon na ang nakaraan. Ito ang unang nagpabalita ng istorya tungkol sa Love Bug virus.

Merong isang taga-Berlin na nagsabi sa akin na sa kanilang bansa, ang mga bata ay iminumulat sa mga krimen ni Hitler. Ang mga krimen ni Marcos ay dapat ring nakasulat sa ating mga aklat ng kasaysayan.

Bukod sa pagsusulat ng mga libro, ang mga akademiko ay makakapagbuo ng listahan ng mga mapapagkatiwalaang sanggunian tungkol sa Martial Law. Isang historyograpiya ng Martial Law.

At kailangan nating harapin ang mga sumusuporta at tagahanga ng mga Marcos at hamunin ang kanilang mga delusyon at ginagawang pagbubura kasaysayan.

Winasak ng mga Marcos ang ating bansa at ngayon ay pinagtatakpan nila ang kanilang mga krimen.

Tandaan ninyo na noong panahon ng Martial Law, ang pagkakaroon ng ganitong pag-uusap ay imposible. Lahat tayo ay aarestuhin bago pa makalipas ang isang oras.

Na tayo ay malayang nakakapagsalita ngayon ay isang testamento kung gaano na kalayo ang ating narating sa ating demokrasya. Na hanggang ngayon ay pinag-uusapan natin ang posibleng pagbabalik ng mga Marcos sa sentro ng entablado ay nagpapakita naman ng mapanganib nating pag-urong at pagkalimot.

Gusto kong ipakita sa inyo ang dalawang souvenir mula sa panahong ni Marcos.

Noong gabing lumikas ang mga Marcos mula sa Malakanyang, inakyat ng aking asawa ang bakod sa Malakanyang. Ngunit bago yan, pumutol siya ng barb wire sa labas ng palasyo.

Takot si Marcos kasi sa sarili niyang kababayan.

Ito naman ang tinatawag kong “Macky Watch”. Isa itong gintong relos na ibinigay sa mga panauhin sa isa sa kanilang pagdiriwang ng birthday noong 1977. Bigay ito sa akin ng isang mabuting kaibigan.

Sinisimbolo ng barb wire ang kawalan ng kaparusahan sa mga krimen (impunity) ng diktadura ni Marcos. Yung relos ay simbolo ng kabulastugan, lalo na ni Imelda Marcos.

Pagbalikan natin yung alamat ng mga Marcos – si Malakas at Maganda.

Dapat itong mapalitan – si Marahas at Mapurot – pangit at hindi kanais-nais.